Tuesday, January 08, 2008
Lakasan ang Loob
Ebanghelyo: Marcos 6:45-52
Agad na pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin.Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan dahil pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila'y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: "Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot."Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.
Pagninilay-nilay
May maganda tayong salitang ginagamit para sabihin na sa kabila ng lahat ng hirap at problema sa buhay, patuloy pa rin tayong nabubuhay nang may pag-asa at tiwala na magiging mabuti pa rin ang lahat.
Sinasabi nating "nakakaraos" pa rin tayo sa kabila ng patuloy na paglalakbay natin sa buhay pasalungat sa malakas na alon. At para sa ating mga alagad ni Jesus, nararanasan din natin na sa piling ng Panginoon, nagiging payapa ang dagat ng paghihirap at suliranin sa buhay. Naglalakad siya sa ibabaw ng alon para sabihin sa atin na wala tayong dapat ipangamba dahil kasama natin siya, kasabay natin siya at lagi niyang pinalalakas ang ating loob
.
.
* Teksto hango lahat sa website na ito
* Larawan ni Sr Maria Melinda Comiso RCM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment