10:34 na ng gabi, magtatapos na ang araw, napakadilim na sa labas, tulog na ibang tao matapos ang isang araw na pagpapagal, pero ito ako ngayon matapos ang maraming nangyari sa buong mag-araw sa buhay ko hindi pa rin maalis sa isip ko ang pagnanasa ko kaninang umaga pagkatapos ang morning Mass. 8:00 ng umaga ang breakfast. Pag pasok ko sa refectory nakahanda na ang magarang plastik container ng iba't-ibang klase ng cereals: sultana, wheat bix, cornflakes, all bran, atbp. Sa mahabang table nakalapag ang mga tinapay para i-toast, katabi ang fruit jams, marmalade, peanut butter, margarine, fresh milk, soya drink, fresh milk at 100% fruit juices. Lahat ng ito ay biyaya at lahat undoubtly ay healthy foods.
Apat na taon na akong kumakain nito sa umaga pero ngayon parang hindi ako masaya. Iba ang hinahanap ko, may namimis ako, iba ang gusto ng puso ng sikmura ko (kung may puso man siya). Simple lang naman ang hangad ko ngayong umaga, pritong longanisa, mainit na sinangag at sasawan na patis na may kamatis. Namiss ko ang luto ng Ina ko. At kahit na hindi luto ng Ina ko basta masarap na pritong longanisa, mainit na sinangag at sasawan na patis na may kamatis.
Nakakatawa. Bukas kakalimutan ko na ito dahil hindi na nakakatawa. Kailan kaya ako gagraduate sa paghahanap ng pagkaing Pinoy? Siguro lifetime cravings na ito? Graduation ko na nga pala bukas. Pinipilit ko na maging memorable ang graduation ko bukas sa Melbourne University but I don't find it a big deal.
Tatlong graduations na naatenan ko. Bukas ang pang-apat. May natutunan ba ako? Ni minsan wala akong nakamit ng academic awards. Ano kaya ang mga natutunan ko?
Una graduation sa elementary. Natatandaan ko lang nun may picture ako kasama si Amada, Stella Marie at isang kamay ng Ina ko na nakaturo sa mukha ko. Concern kasi ang Ina ko na maging maganda ang kalalabasan ng itsura ko sa picture. Ang pasigaw na paalala niya sa akin ay "O ang nguso mo itikom mo." Bukas tatandaan ko po iyan sa picture taking namin.
1994 Highschool graduation. Dito marami akong ala-ala na sana ay maulit-ulit muli. Apat ang awards ko loyalty, service award, artist of the year at religion awardee. Proud siyempre ang Ama't Ina ko sa ilang pag-akyat sa stage kahit na ang lahat ng ito ay WALANG kinalaman sa academic excellence.
1999 ang taon na gumadweyt ako ng Bachelor of Arts Major in Philosophy. Ito na siguro ang pinakamasaya sa lahat. Mula sa opening ceremony, Mass, progamme proper hanggang sa matapos ay liglig ng magagandang ala-ala. Ang batch namin ang nagpuyat sa pagdedesign ng stage sa bagong gawang gymnasium, ako ang nagdesign ng higanteng letter cut-outs at giant logos ng dalawang departments. Pinaghandaan namin ng maigi ang araw na ito para sa aming mga pamilya, kaibigan, kamag-anak, at kakilala ng kakilala ng kapitbahay namin. Masaya ang graduation sa seminaryo fiesta! Kasabay ng pagdagsa ng tao ay pagdagsa ng mga pagkain. Nung araw na iyon dumagsa din ang ulan!
Bukas magtatapos naman ako ng Bachelor of Theology pagkatapos ang di matapos-tapos na mindblowing discussions sa sytematic theology, biblical exegesis, Church history at walang katapusan na essays (di pa rin pala tapos dahil nag-aaral pa rin ako for MA). Enjoy naman pero nakakahilo at nakakaantok, at higit sa lahat rewarding both intellectually and spiritually.
Ang tanong. May natutunan ba ako? Kung nagkinder ako may mas natutunan kaya ako? Naging mabuting tao ba ako?
Isa lang ang malinaw kong natutunan. Habang nag-aaral ako lalong nabubukas isip ko sa realidad na napaka-dami ko palang hindi alam. In short lalo akong nagiging engot. Dahil nakikita ko ang kaliitan ko bilang tao sa ilalim ng isang nagpapahayag ng katotohan- ang Intelectual Being.
Education is a continuous unveiling of my ignorance and it is a fascinating experience. Kaya nga curious akong malaman kung ano at paano mag-isip ang mga matatalinong tao. Swerte nilang tunay. Nakakaiingit.
Pero mas swerte pa rin siguro ako kung bago ako matulog ngayon ay may makakain akong pritong longanisa, mainit na sinangag at sawsawan na patis at kamatis.
Friday, April 15, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment