Friday, November 11, 2005

May Isang Studyante

Parang natanggalan ako ngayon ng tinik sa dibdib ( o sa talampakan?). Limang minuto lang ang nakakalilipas nang matapos ang oral exams ko sa Canon Law. Labinlimang minuto akong "i-ninterogate" ni Judicial Vicar, at sa loob ng maikling sandali ay kailangan kong ipakita sa kanya na may "alam" ako kahit papaano sa Canon Law. Masaya ako dahil sigurado akong naipasa ko naman ang orals exam na worth 50%, kaya lang e may essay pa na worth 50% din (di ko pa nasisimulan).


Ala-ala mula sa klase ko sa Canon Law...


Tuwing first period ng klase, oras na magsimula ang lecture automatic bumibigat ang mga mata ko at kusa silang pumipikit. Kasabay nito ang pag-lipad ng aking diwa sa mundo ng panaginip. Mararamdaman ko na parang humihinto ang daloy ng dugo sa utak ko. Nag-iiba ang kulay ng ceiling, lamesa, silya at mukha ng katabi ko. Sa madalit salita, hindi ko talaga mapigilan ang makatulog.


Pero gifted yata ako dahil kahit nakakatulog ako sa klase ay nakakapagsulat pa rin ang kamay ko. Tuloy-tuloy ang pagsulat ko kahit ang isip ko ay nasa Pilipinas at nagbabakasyon o nasa loob ng PBB. Kakaiba nga lang kinalalabasan ng sulat ko: shorthand na Arabic.


Nakakaguilty minsan.


Nakakahiya din naman minsan. Isang beses nang bumalik ang diwa ko sa klase ng Canon Law; namulat na lang ako na ang pinang-susulat ko na pala ay ang aking berdeng highlighter!

No comments: