Thursday, July 14, 2005

Sana

Gabi na naman. Lumipas na naman ang isang araw sa talaan ng istorya ng buhay. Bukas magsisimulang muli ang bagong araw na nakalaan para bawat isa, sa lahat ng tao sa buong panig ng daigdig. Bukas ay panibagong araw na naman ng pagtatanong, pagbabakasakali at pagpupunyagi na sana ay makamit ng minimithing pangarap. Nakakapagod ngunit paulit-ulit na umaasa na minsa'y makakamit din nating bawat Pilipino ang inaasam na pag-unlad, paglaya sa kamang-mangan at karukhaan, at pagtawid sa bagong landas bilang bagong Pilipinas para sa bagong Pilipino.

Ngayon ay unti-unti tumitimo sa aking puso ang lungkot sapagkat tayong mga Pinoy ngayon ay watak-watak. Sumisidhi ang dibisyon sa ating pag-iral bilang mamamayang Pilipino. Hindi ko naman dati pinapansing lubusan ang kalagayan ng ating bansa, subalit ngayon unti-unting nanunuot ang aking pagka-Pilipino. Apektado din pala ako ng mga nangyayari sa bansang aking iniwan (hindi ko pala siya maaring iwanan).

Maraming beses na may lumapit sa akin na hindi Pilipino wika niya'y, "Alam mo lagi kong ipinagdasal ang iyong bansa lalo na si Gloria." Sa isang pagkakataon naman ay isang Australyano ang napahayag ng damdamin at parang nakikidalamhati sa akin, "Nabalitaan ko ang nangyayari sa Pilipinas." Para ba akong namatayan at siya ay nakikiramay.

Ano ang magagawa ko? Marami akong tanong, ngunit ayokong magsalita, ayokong magmukhang pulitiko na kunwari'y alam ang lahat ng kasagutan sa lahat ng ating problema.

Dalangin ko na sana, sana naman, ay mapanibago ang sistema ng ating pagmumuhay. Hindi sa pagtuturuan ng pagkakamali ng isa kundi sa pag-amin sa sariling pagkukulang.

Ang bayang Pilipinas ay bayan ng Diyos, magkaisa nawa'y ang bawat Pilipino sa panalangin, mamayani nawa ang pag-mamahalan at pagkakaisa at mag-alay nawa tayo ng sariling sakripisyo para sa ikagiginhawa ng ating naghihirap na kababayan.

Sana'y isabuhay ko ang mga sinabi ko, kahit ngayon ay gabi na naman.

No comments: